Nananawagan ngayon ang grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang panukala na nagdedeklara sa Manila Bay bilang reclamation-free zone.
Ayon kay Pamalakaya National chairperson Fernando Hicap, ang kailangang ngayon ng mga mangingisda matigil na ang reclamation projects sa lugar at hindi lamang suspendihin ito.
Sa explanatory note kasi sa ilalim ng House Bill No. 2026 na inihain ng Makabayan bloc, pinagbabawal nito ang lahat ng uri ng reclamation activities sa Manila Bay.
Sinabi din ng Makabayan bloc na sinasalungat ng pamahalaan ang naging desisyon ng Korte Suprema noong 2008 kaugnay sa paglilinis, rehabilitasyon at pagpreserba sa Manila Bay dahil sa reclamation projects. Pinipigilan din aniya nito ang restoration ng Manila bay para maging ligtas na paliguan at iba pang recreational activities.
Dahil din sa reclamation projects na pinangangasiwaan ng mlalaking negosyante sa sektor, napagbabawalan aniya ang publiko ng kanilang karapatan para ma-access ang Manila Bay.
Ayon sa Pamalakaya, ang pagpasa ng panukala o pag-isyu ng executive order ay natatanging paraan para maipagbawal ang nagpapatuloy na reclamation projects sa Manila Bay upang hindi masagasaan ang komunidad at malagay sa panganib ang kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda.
Hindi din aniya sapat ang salita lamang na deklarasyon mula sa Pangulo at Department of Environment and Natural Resources.
Pagdidiin pa ng grupo na dapat ding panagutin ang malalaking kompaniya na sangkot sa reclamation projects sa pamamagitan ng pagmamandato sa mga ito na magbigay ng kaukulang economic compensation para sa mga apektadong pamilya malapit sa mga baybayin at magsagawa ng pangmatagalang rehabilitasyon sa mga napinsalang pangisdaan.