-- Advertisements --

Dumami pa ang umalma sa nakatakdang pagpapatupad ng mas mataas na contribution rate sa Social Security System (SSS).

Ilan dito ang grupo ng mga guro at dating chief executive ng pension fund.

Kung saan hinimok ni Alliance of Concerned Teachers Private Schools secretary general Jonathan Geronimo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpaliban ang implementasyon nito.

Sa ilalim kasi ng Republic Act 11548, may kapangyarihan ang Pangulo para suspendihin ang contribution rate hike.

Ayon kay Geronimo, lumalabas na tila mas interesado ang Marcos administration sa “padding” ng confidential funds nito kesa sa pagsiguro sa social services at kapakanan ng mga tao. Idinagdag pa nito na lalo lamang mababawasan ng naturang premium hike ang hindi na nga sapat na naiuuwing sahod ng mga ito.

Inihayag din nito na naghihirap na ang mga pribadong guro at iba pang pribadong mga empleyado mula sa inflation, mataas na utility costs at pagtaas sa premiums ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sa ilalim kasi ng batas o ang Republic Act 11199, binibigyan ang SSS ng otonomiya at prerogatibo sa pagpapasya kabilang na pagdating sa benefit package adjustments.

Kayat sa layuning matiyak ang pangmatagalang viability ng pension fund, tinaasan ang member contributions mula sa 12% noong 2019 sa 13% noong 2020, 14% noong 2023 at 15% naman para ngayong 2025.

Sa 15% na kaltas sa SSS ng mga miyembro, 10% dito ay sasagutin ng employer habang ang natitirang 5% ay sa empleyado.

Ilan pa sa mga grupong tumutol sa naturang batas ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Exporters Confederation Inc., Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Trade Union Congress of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa at Partido Manggagawa.