Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na linawin ang pinasok na ‘secret deal’ sa China at kung ano ang nakompormiso sa naturang kasunduan.
Sa isang press conference kasama ang delegasyon ng media sa Washington DC, inilatag ni Pangulong Marcos ang tatlong katanungan nito sa tinawag niyang secret deal. Una ay kung nagkaroon ng kasunduan ano ang nakompormiso o ipinamigay, ano ang nilalaman ng sekretong kasunduan at kung bakit ito inilihim sa publiko.
Sinabi din ng Pangulo na dapat ipaliwanag ng mga opisyal ng Duterte administration ang naturang mga usapin dahil magbibigay ito ng rason kung bakit aniya nagagalit ang kaibigang China sa mga aksiyon ng PH sa WPS.
Kapag nasagot aniya ang naturang mga katanungan mas magiging maliwanag ang nasabing isyu.
Hindi din umano maintindihan ni Pang. Marcos kung bakit hinayaan ng dating Pangulo na inilarawan niyang isang beteranong abogado ang naturang kasunduan nang walang maayos na dokumentasyon
Una na ngang inamin ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila ang naturang gentleman’s agreement noong Huwebes na ayon sa tagapagsalita ng embahada ay epektibong nakatulong para mapanatili ang kabuuang kaayusan at stability sa Ayungin shoal.
Noong nakalipas na Marso 27 naman, kinumpirma ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng kasunduan si Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping na panatilihin ang status quo sa WPS na nangangahulugan na kapwa hindi magtatayo ang PH at China ng mga struktura at magdadala ng materyales para sa pagkumpuni ng BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Inamin din ni Atty. Roque na ang naturang kasunduan ay non-binding at maaaring hindi ipatupad ng kasalukuyang administrasyong Marcos.
Samantala, una na ring sinabi ng Pangulong Marcos na kaniyang inaantay na makabalik sa PH si Chinese Ambassador Huang Xilian para ipaliwanag ang naturang kasunduan.