Inimbitahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko at mga estudyante na bumisita sa 2 Presidential museums ng libre simula sa June 1.
Ito ay para ipakita an mayamang kasaysayan hinggil sa naging Pangulo ng Pilipinas at ang kanilang naging kontribusyon sa ating bansa.
Sa ilalim ng Malacañang Heritage Tours, mag-aalok ng libreng tour guide sa mga bibisita sa dalawang museum na Bahay Ugnayan Museum at Teus Mansion upang ma-explore ang buhay at legasiya ng mga nagdaang lider ng ating bansa.
Tampok sa Bahay Ugnayan Museum ang road to presidency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan makikita ang defining moments ng kaniyang tenure at campaign materials na nagbigay daan tungo sa pagkapangulo.
Makikita din sa naturang museum ang mga regalo mula sa supporters ni Marcos at mga materyales na kaniyang ginamit sa kaniyang electoral protest laban kay dating vice president Leni Robredo sa vice-presidential race noong 2016.
Sa kabilang banda, tampok naman sa Teus Mansion ang mga memorabilia ng mga naging Pangulo ng bansa mula sa Presidential attire, footwear, flags at natatanging sculpted busts na naka-display sa loob ng museum bilang pagbibigay-pugay sa mga lider ng bansa.
Mayroon ding inilaang espasyo para sa mga larawan ng First ladies.
Magbubukas ang dalawang museum sa publiko sa unang araw ng Hunyo mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ng libre subalit kailangan muna ng reservation ng mga bibisita sa mga museum.
Si First Lady Liza Araneta-Marcos ang nag-inisyatibo nito para mapreserba ang mga naging kontribusyon ng mga naging Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng Malacañang Heritage Tours.