Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P12.7 billion na sobrang taripa para suportahan ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program na layuning mabigyang ng tulong ang nasa humigit kumulang 2.3 million magsasaka.
Ipinag-utos ng Pangulo ang paglalabas ng naturang aid noong Huwebes para matulungan ang maliliit na rice farmers para mapanatili ang produksiyon sa gitna ng mga kinakaharap na hamon sa sektor ng agrikultura gaya ng El Niño phenomenon.
Ayon sa Malacañang, nasa 2.3 million benepisyaryo ang nakarehistro sa ilalim ng programa sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Kabilang sa mga benepisyaryong ito ay ang mga farm cooperative associations, irrigators associations, agrarian reform beneficiary organizations, small water impounding system associations, at iba pang farming groups.
Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng P5,000 na tulong pinansiyal na magmumula sa sobrang taripa na nakolekta mula sa inangkat na bigas noong 2022.
Kinumpirma din ng Palasyo na inaprubahan ni PBBM ang P700 million sobrang taripa para sa Household Crop Diversification Program na Palayamanan Plus conditional cash transfer. Tinatayang nasa 78,000 indibidwal ang magbebenepisyo mula sa naturang programa kung saan makakatanggap naman ng tig-P10,000 ang bawat recipient.
Ang mga tulong pinansiyal na ito ay bilang suporta sa Masagana Rice Industry Development Programs ng Marcos admin.