Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan at sa mga sibilyang stakeholder upang bumuo ng isang “archipelagic consciousness” sa hanay ng mga mamamayang Pilipino sa hangaring itaguyod ang teritoryal na integridad at soberanya ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa AFP Change of Command and Retirement Ceremony nuong Biyernes, July 21,2023 bilang parangal kay Gen. Andres C. Centino, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga kalalakihan at kababaihan ng AFP na “magsikap tungo sa isang Sandatahang Lakas na maliksi at handa sa anumang posibleng mangyari.
Muling binigyang-diin ng Pangulo na suportado ng kaniyang administrasyon ang modernisasyon ng AFP.
“Along with our efforts to strengthen our external defense capabilities, I ask you too to continue working with national government agencies and civilian stakeholders to form an archipelagic consciousness amongst Filipinos. This will help champion our country’s territorial integrity and sovereignty,” pahayag ng Chief Executive.
Sa kabilang dako, kumpiyansa ang Pangulo na magagampanan ni newly installed AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner ang kaniyang misyon na tiyakin ang seguridad ng sambayanang Pilipino at itaguyod ang soberenya ng bansa sa kabila ng mga hamon.
“Given your extensive experience in safeguarding peace in conflict-affected areas, I urge you to recalibrate our internal security operations so that we can deliver public services in geographically isolated and disadvantaged communities,” pahayag ni Marcos.
Ayon naman kay Brawner, may mga gagawin silang adjustment sa kanilang internal security operations (ISO).