Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Agriculture (DA) na i-promote ang ease of doing business sa kanilang mga proseso at tanggalin ang non-tariff barriers sa importation ng mga agricultural products ng sa gayon mapababa ang presyo at matiyak na mayruong suplay.
Ito ay batay sa inilabas na Administrative Order (AO) No. 20, ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nuong April 18, 2024 na agad namang naging epektibo.
Sa nasabing AO, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na ang administrative constraints at non-tariff barriers ay siyang nagiging sanhi sa pagtaas ng domestic prices ng mga agricultural commodities.
Kaya mahalaga na magpatupad ng mga hakbang ang DA upang ma streamline ang kanilang mga administrative procedures at policies partikular sa pag import ng mga agricultural products.
Pinapatanggal din ng Pangulo ang non-tariff barriers para tugunan ang pagtaas ng domestic prices ng mga agricultural commodities.
Inatasan din ng Pangulo ang DA na makipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF) para ma-streamline ang mga procedures at requirements sa licensing ng mga importers, bawasan ang processing time ng applications at i-exempt ang mga licensed trades na magsumite ng registration requirements.