Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na ibalik ang tinapyas na PhP400 milyong branding budget ng Department of Tourism.
Sa pulong sa Malacañang kasama si Tourism Seceratary Cristina Frasco, sinabi ng i Pangulong Marcos na hindi dapat masayang ang momentum ng DOT sa pag promote ng international image ng bansa, lalo na’t naging sentro ng atensyon ang Pilipinas dahil sa mga kamakailang tagumpay ng ilang Pilipino.
Kabilang dito ang paguwi ng dalawang gold medal ni Carlos Yulo mula sa Paris Olympics at ang pagkapanalo ni Sofronio Vasquez sa isang prestihiyosong talent search show.
Binanggit din ng Pangulo ang hindi malilimutang dedikasyon ng mga Filipino health workers sa buong mundo noong panahon ng pandemya, na naging bahagi ng pagpapalaganap ng magandang imahe ng Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Marcos, kukunin ang pondo mula sa contingency fund ng Office of the President.
Sumang-ayon naman si DOT Secretary Christina Frasco at ipinaabot ang kanyang buong suporta sa pahayag ng Pangulo.
Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Frasco na ang kakulangan sa pondo ng DOT ay maaaring magdulot ng pagbaba ng engagement sa target audience, mas kaunting oportunidad para sa trade at consumer activation, at kawalan ng global media placements.
Ibinida naman ni Frasco na kumita ang bansa ng PhP760 bilyon mula sa mga international visitor mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2024.