Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ginagawa ng kaniyang admistrasyon ang lahat para doblehin ang operational capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa paggunita ng ika-82nd anniversary ng Araw ng Kagitingan.
Sinabi ng Pangulo, sa kasalukuyan patuloy na ginagampanan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kanilang marangal na tungkulin na pangalagaan ang seguridad ng ating bansa at ang ating soberanya.
Bilang pagkilala sa katapangan at sakripisyo ng mga sundalo, inatasan ng Pangulong Marcos ang Defense, Budget at Finance department na pag-aralan ang kasalukuyang separation benefits ng mga sundalo lalo na yung nagkaroon ng total permanent disability na kanilang natamo habang ginagampanan ang kanilang trabaho at kung ito ay angkop sa kanilang sakripisyo para sa bansa.
Ipinunto din ng Punong Ehekutibo na nararapat din protektahan ang mga sundalo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat at angkop na kagamitan.
Inatasan din ng Pangulo ang Defense Department at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsumite ng imbentaryo ng kanilang mga kagamitan at mga supply.
Ipinunto ng Presidente na iba na ang panahon ngayon at hindi tayo dapat palulupig sa sinuman at sa mga hamon na kahaharapin sa hinaharap.