Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan na ang konstruksiyon ng Stage 2 Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Project sa Pampanga.
Ginawa ng Pangulo ang direktiba matapos pasinayaan ang Stage 1 ng IDRR-CCA sa Masantol, Pampanga ngayong araw.
Ayon sa Pangulo, kailangan nang matapos ang proyekto para maibsan na ang nararanasang malawakang pagbaha sa mga bayan ng Macabebe, Masantol, Minalin, Sto.Tomas at Apalit, lalo na tuwing tag-ulan.
Malaki rin kasi aniya ang naging epekto sa pagtaas ng baha ng pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991 kung saan bumara ang mga abo at lahar sa mga ilog at waterways.
Sinabi ng Presidente sa sandaling matapos ang nasabing proyekto, magkakaroon na ng proteksiyon ang mga residente ng Pampanga mula sa mga pagbaha lalo na ang mga nakatira sa mga low lying areas.
Ibinida rin ng Pangulo na dahil sa Stage 1 IDRR-CCA ay mas mabilis nang huhupa ang baha sa mga nabanggit na lugar sa 17 days mula sa 66 days na pagtitiis ng mga residente sa baha.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Korean government para sa pagpondo sa proyekto.
Samantala, tiniyak naman ni Ambassador of the Republic of Korea to the Philippines Lee Sang-Hwa na buo ang suporta ng kanilang gobyerno para sa Pilipinas lalo na ang pagtatayo ng mga flood control projects sa Pampanga.
Malaki aniyang kaginhawaan ang mga nasabing proyekto para sa mga residente duon.