Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na magtulungan para makamit ang layuning gawing mapayapa ang Mindanao.
Ito ang naging tugon ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz nang tanungin kaugnay sa reksiyon ng Pangulo at ni Executive Sec. Lucas Bersamin kaugnay sa pagkakaaresto kay Myrna Mabanza, ang umano’y financier ng Al-Qaeda at supporter ng Islamic State sa Indanan, Sulu.
Inihayag pa ng opisyal na ang pagkakaaresto ni Mabanza ay nagpapakita ng buong kooperasyon at kolaborasyon ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno.
Dagdag pa ng opisyal na sinabi din ng ES sa kaniya na dapat itong gawing template sa lahat ng mga gagawing operasyon na mararamdaman aniya ng tao at makakatulong sa pamahalaan.
Una rito, batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad, si Mabanza ay sangkot umano sa paglilipat ng $107,000 sa dating lider ng ISIS-PH na si Isnilon Hapilon noong 2016.
Ang naturang pondo din aniya na natanggap ni Mabanza mula sa foreign sources ay ginamit sa Marawi siege noong 2017.
Sa kasalukuyan, humaharap si Mabanza sa 5 bilang ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at Anti-Terrorism Act of 2020 na inihain sa Regional Trial Court ng Zamboanga City.