Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bibigyang prayoridad ng kaniyang administrasyon ang sektor ng agrikultura.
Sinabi kasi ng chief executive na marami pa ang dapat ayusin sa buong sistema ng sektor ng agrikultura na napabayaan aniya sa matagal na panahon.
Ayon kay Pang. Marcos kabilang sa mga hakbang na ito ay ang pagpapalakas sa agricultural productivity, pag garantiya sa suplay ng pagkain, pagiging abot kaya ng mga pangunahing bilihin at pagbabawas sa pagiging dependent ng bansa sa importasyon o pag aangkat ng mga produktong pang agrikultura.
Sinabi ng Pangulo na kabilang din sa prioridad ng kaniyang administrasyon ay ang pagsusulong ng mga patakaran na susuporta at magbibigay proteksyon sa kabuuang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda , mga manufacturer at ng mamimili.
Dagdag pa nito na iginigiya ng kaniyang administrasyon ang agarang paglago ng industriya ng pangisda at pagsasaka.
Patunay dito ang itinaas pang budget sa P92.4 bilyong piso sa susunod na taon mula sa kasalukuyang P85.88 bilyong piso, para sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at makinarya sa agri fisheries sector.
Ang mga teknolohiyang ito ay naglalayong mabawasan ang pagkalugi sa post harvest at matiyak ang mas malaking ani sa maliit lamang na halaga ng gastusin.
Sinabi pa ng Pangulo na isa rin sa prioridad ng pamahalaan ay mapataas ang exportation o pagluluwas ng ating mga produktong pang agrikultura, na siyang mahalagang nagtutulak sa pagiging competetive ng ating ekonomiya.