Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pansamantala munang suspindihin ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ginawa ng Pangulo ang direktiba sa sa isinasagawang pagdiriwang ng Labor Day ngayong araw sa palasyo ng Malakanyang.
Sa Labor Day message ng Presidente na ang nasabing kautusan ay ipatutupad sa tuwing may deklarasyon ng red alert sa sitwasyon ng kuryente.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na layunin nitong mapigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa bansa.
Dagdag pa ng Pangulo na hindi nagkukulang ang pamahalaan sa mga ginagawang hakbang para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin at kuryente sa gitna na rin ng nararanasang El Nino Phenomenon.
Sinisiguro aniya ng pamahalaan na sapat ang suplay ng mga produkto para maiwasan ang pagtaas ng presyo.
Mayroon din aniyang ipinatutupad na tulong pinansiyal ang pamahalaan para sa mga lubhang naapektuhan ng epekto ng tagtuyot lalo na ang mga nasiraan ng mga pananim sa bahagi ng Mindanao.
” Dahil sa matinding init, tumataas ang konsumo ng kuryente na nakakadagdag sa pag-akyat ng presyo. Kahapon lamang ay kumilos na ang Energy Regulatory Commission o ERC upang pansamantalang isuspende ang operasyon ng tinatawag na Wholesale Electricity Spot Market o WESM kapag may idineklarang Red Alert ang System Operator o NGCP. Ito ay naglalayon na pigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa gitna ng kalamidad na dulot ng El Niño,” pahayag ng Pangulong Marcos.