-- Advertisements --

Ipinababalik ni pangulong ferdinand marcos jr. ang mga tinapyas na pondo para sa foreign-assisted projects ng dep’t of public works and highways.

Sa naging pulong sa malakanyang kaugnay ng agency budget review sa ilalim ng 2025 general appropriations act, inihayag ng pangulo na P70 billion pesos ang hiniling nila sa kongreso para sa mga nasabing proyekto, ngunit 23 billion pesos lamang ang kanilang ipinagkaloob.

Binigyang-diin ng pangulo na ang mga proyektong ito ay magdadala ng malaking pagbabago sa buhay ng mga pilipino.

Nais din ng pangulo na maging prayoridad ng DPWH ang maintenance ng agency projects, feasibility studies, at pagresolba sa mga isyu sa right of way.

Ayon sa presidential communications office, kabilang sa mga programa ng DPWH na natapyasan ng pondo sa 2025 budget ay ang payments sa right-of-way, contractual obligations, value added tax, at iba pang buwis, pre-feasibility study, feasibility study, at primary and detailed engineering, public-private partnership strategic support fund, at kalsada tungo sa paliparan, riles, at daungan (katuparan) program.

Kasama rin ang bridge program, network development program, tourism road infrastructure program , roads leveraging linkages of industry and trade program, at foreign-assisted projects.