Naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layong i-regulate ang pag-iisyu ng mga protocol license plates sa mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng kaliwa’t kanang mga reklamo ukol sa pagdami at hindi awtorisadong paggamit nito.
Batay sa Executive Order (EO) No. 56, mula sa No.16 ay hanggang No.14 na lamang ang mga protocol license plate na ibibigay sa mga opisyal ng gobyerno.
Kabilang dito ang Pangulo na No.1 ang plaka; Vice President, No.2; Senate President, No.3; House Speaker, No.4; Supreme Court Chief Justice, No.5; Cabinet Secretary, No.6; mga Senador, No.7; at mga miyembro ng Kamara o Kongreso, No.8; at mga mahistrado ng Korte Suprema, No.9.
Pinapayagan ding magkaroon ng special plates ang Presiding Justice ng Court of Appeals (CA), Court of Tax Appeals (CTA), Sandiganbayan, at Solicitors General na No.10; Chairperson ng Constitutional Commission at Ombudsman, No.11; at Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at hepe ng Philippine National Police, No.14.
Sa ilalim ng EO na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang paggamit ng mga protocol license plates ng mga awtorisadong opisyal ay batay sa rekomendasyon ng Land Transportation Office (LTO), pagsang-ayon ng kalihim ng DOTr, at batay sa listahan ng lahat ng mga opisyal na may katumbas na ranggo ng mga nabanggit na opisyal ng Department of Budget and Management (DBM).
Binigyang-diin ng EO na bagaman maaaring payagan ang mga mahistrado ng CA, CTA at Sandiganbayan na gumamit ng mga protocol license plates sa pamamagitan ng rekomendasyon ng LTO at pagsang-ayon ng kalihim ng transportasyon, hindi ito nangangahulugan na pahihintulutan na rin ang lahat ng iba pang opisyal na may katumbas na ranggo ng mga mahistrado at hanggang sa ibaba para gumamit ng mga kaparehong plaka.
Nlinaw sa direktiba ng Pangulo na ang bisa ng mga protocol license plates ng mga awtorisadong opisyal ay sa panahon lamang ng kanilang panunungkulan at dapat gamitin lamang para sa mga sasakyang rehistrado sa kanilang pangalan o opisyal na itinakda sa kanila.
Binigyang diin pa ni PBBM na ang mga plaka ay dapat na isuko sa LTO pagkatapos ng kanilang pagreretiro, pagbibitiw sa puwesto o pag-alis sa opisina, o pagtatapos ng kanilang termino o tungkulin.