Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng Severe Tropical Storm Kristine lalo at may nagbabadyang panibagong bagyo.
Sa ginanap na situation briefing sa Palasyo ng Malakanyang, ipinag-utos ng Presidente sa mga concerned government agencies na ipagpatuloy ang relief operation at bilisan ang suporta at tulong sa mga apektadong lugar.
Binigyang-diin ng Presidente na dapat lamang maging handa ang gobyerno sa paparating na weather disturbance.
Aniya, palaging naka monitor ang gobyerno sa sitwasyon upang masiguro agarang pagsasagawa ng rescue and relief operations.
Ipinunto ng Pangulo na hindi dapat itigil ang pamamahagi ng tulong lalo at marami pa ring mga kababayan natin ang nananatili sa mga evacuation centers.
Siniguro ng Pangulo na nakahanda ang gobyerno sa pag suporta sa mga biktima at sa mga apektadong local government units.