Inatasan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang law enforcement agencies sa Pilipinas na tugisin ang mga drug sindicates sa halip na mga minor offenders lamang.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa sidelines ng ika-52 session ng United Nations Human Rights Council sa Geneva.
Sinabi din ni Remulla sa inorganisang panel discussion hinggil sa prison at justice sector reforms at human rights na kanilang masusing tinitignan ang mga polisiya laban sa iligal na droga.
Aniya, ang droga ang ugat ng pagkapariwara ng mga Pilipinong nalululong dito kayat kanilang tutumbukin ang sources o nasa likod ng paglaganap ng iligal na droga sa halip na street-level minor players na karamihan din ay pawang mga biktima lang din.
Pagdating naman sa status ng justice at penal system ng Pilipinas, sinabi ng DOJ chief na batid ng gobyerno ang suliranin ng bansa kabilang ang overpopulation sa mga piitan at iba pang detention facilities ng bansa.
Ilan sa mga ipinapatupad na solusyon dito ng DOJ ay ang digitalisasyon ng single prisoner record, deployment ng state lawyers para mabusisi ang mga kaso ng mga preso para agad na mapalaya at humanitarian releases sa mga matanda na at mga may malubhang karamdama na persons deprived of liberty.
Nakatakda rin aniyang mag-isyu ang justice department ng bagong patakaran sa case build-up kasabay nito ay hihilingin din sa prosecutors na irekomenda ang pagpapababa ng piyansa para sa mahihirap na preso.