Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na magtulungan para sa pagpapaunlad ng Basilan at iba pang mga lugar na ikinokonsiderang conflict areas sa Pilipinas.
Sa sidelines ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Basilan para sa Panabang Si Kasantangan Peace offering ceremony sa Sumisip, binigyang diin ng presidente na ang totoong kapayapaan ay hindi natatapos sa pagsugpo ng karahasan subalit sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa Basilan at dating mga conflict areas.
Sinabi din ng Pangulo na ang pagpapaunlad sa Basilan at iba pang dating conflict areas sa bansa ay ang pinakamahalagang bagay at milestone para sa pamahalaan.
Ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag sa kaniyang pagdalo bilang guest of honor at speaker ng Panabang si Kasanyangan ng BARMM sa Basilan na nasabay sa pagdiriwang ng ika-50 founding anniversary nito.
Pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng 8 motorsiklo mula sa United Nations Development Programme para sa mga dating rebelde para suportahan ang kanilang kabuhayan at sinaksihan ang simbolikong pagsira sa 400 illegal firearms.
Sa kaniyang talumpati, sinabi din ng Pangulo na ang pag-unlad ng Basilan na kaniyang inilarawan bilang episentro ng kapayapaan at zone of peace ay naging posible hindi lamang sa pamamagitan ng militar kundi sa pakikipagtulungan na rin ng taumbayan para masugpo ang karahasan.