Inaprubahan na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na lawakan pa ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Inatasan ng Pangulo ang National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health at iba pang kaukulang ahensya sa isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang kanina.
Nais ni Pang. Marcos na maisama sa 4Ps ang ang mga buntis at nagpapasusong ina para matiyak ang maayos na kalusugan ng mga sanggol sa kanilang unang 1000 araw.
Matatandaang sa naunang pulong noong Pebrero tungkol sa panukalang mga reporma sa 4Ps, inirekomenda ng DSWD na taasan ang halaga ng 4Ps grant at mabigyan rin ng cash grant ang First 1,000 Days (F1KD) ng mga bata.
Magpapataas daw kasi ang adjustments sa purchasing power ng 4Ps beneficiaries at magbibigay ng insentibo sa mga ito para paghusayin ang compliance sa mga kondisyon ng programa na tutugon sa problema sa malnutrisyon at pagkabansot.
Sa nasabing pulong kanina, inaprubahan ni PBBM ang mungkahi ng DSWD at inatasan ang ahensya kasama ang NEDA na isapinal ang mga numero para agad maipatupad ang kinakailangang adjustments.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang 4Ps beneficiary-family ay tumatanggap ng
daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 buwan; P500 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa junior high school at P700 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa senior high school.
Nasa. P750 kada buwan naman ang tinatanggap ng bawat household sa loob ng isang taon para sa growth development at monitoring ng mga batang nasa edad 2-14 years old.