Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatibay ng tatak ng pamamahala at kampanya ng pamumuno ng administrasyon, na nananawagan para sa isang malalim at pundamental na pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan at nagpapalakas ng pangako ng pamahalaan tungo sa pagkamit ng komprehensibong mga reporma sa patakaran at full economic recovery.
Sa isang tatlong-pahinang memorandum circular na may petsang July 3, 2023 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inatasan ng Pangulo ang lahat ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan (NGAs) at instrumentalities, kabilang ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs), na gamitin ang kampanyang ‘Bagong Pilipinas’ sa kanilang mga programa, aktibidad at proyekto.
Naaprubahan din ang logo ng ‘Bagong Pilipinas’.
“All NGAs and instrumentalities, including GOCCs and SUCs, shall adopt the ‘Bagong Pilipinas’ logo and incorporate the same in their letterheads, websites, official social media accounts, and other documents and instruments pertaining to flagship programs of the government,” nakasaad sa memorandum.
Ang ‘Bagong Pilipinas’ campaign ay nagsisilbing pangkalahatang tema ng administrasyon ni Pangulong Marcos na nailalarawan ng isang may prinsipyo, may pananagutan at maaasahang pamahalaan na pinalakas ng pinag-isang institusyon ng lipunan na may layuning maisakatuparan ang mga layunin at adhikain ng bawat Pilipino.