Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang tinaguriang father of computer education in the Philippines na si Dr Amable Aguiluz V bilang Special Envoy of the President to Japan for Trade and Investment.
Si Aguiluz ang siyang founder ng AMA University and Computer Colleges ay may termino bilang special envoy ng hanggang anim na buwan.
Nasa 18 iba pa ang itinalaga ni Pangulong Marcos sa Department of Foreign Affairs bilang class 4 Foreign service officers.
Bukod sa DFA ay nagtalaga din ang Pangulo ng bagong appointee sa Department of Finance gaya ni Maria Luwalhati Dorotan- Tiuseco bilang Undersecretary bukod sa isang Director 4 habang itinalaga naman sa Landbank of the Philippines bilang Acting President si Ma. Lynette Ortiz.
Apat na Director 4 naman ang kasama sa mga bagong appointee sa Department of Information and Communications Technology habang nagtalaga din ang Pangulo ng isang Deputy commissioner at Director 4 sa Department of Justice at dalawang appointees sa DOLE at isa sa TESDA.
Nadagdagan naman ng isa pang Undersecretary ang DSWD sa katauhan ni Edward Justine Orden, isang assistant secretary sa katauhan ni Ulysses Hermogenes Aguilar at dalawang iba pa bilang Director.
Bukod dito ay nagtalaga din ng bagong appointees ang Pangulo sa GOCC.