Itinalaga na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Gilberto Teodoro Jr., bilang bagong kalihim ng Department of National Defense (DND) at Dr. Teodoro Herbosa bilang kalihim naman ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Presidential Communications Office, inanunsiyo ang appointments nina Teodoro at Herbosa matapos ang magkahiwalay na pulong kasama ang Pangulong Marcos sa Malakanyang.
Kasama sa magkahiwalay na pulong si DND OIC Senior Undersecretary Carlito Galvez at DOH OIC Maria Rosario Vergeire.
Malawak ang karanasan ni Teodoro sa public and private sectors.
Si Teodoro ay dating kalihim ng DND sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo mula Agosto 2007 hanggang Nobyembre 2009 na pinakabatang naging kalihim sa edad na 43-anyos.
Naging miyembro ng Kongreso at nagsilbi ng tatlong termino bilang kinatawan ng 1st District ng Tarlac.
Naging chairman ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) nuong siya ang kalihim ng defense department.
Siya ay graduate ng Bachelor’s degree in Commerce, Major in Financial Institutions mula sa De La Salle University – Manila, nagtapos ng abogasya sa University of the Philippines kung saan nakamit nito ang top rank sa 1989 Philippine Bar Examinations.
Nag-aral ng Master’s degree in Law sa harvard University.
Samantala, si Herbosa naman ay hitik sa karanasan at expertise sa healthcare systems, public health, hospital administration, emergency and disaster medicine.
Nakamit ni Herbosa ang kaniyang medical degree mula sa University of the Philippines Manila at nakapag tapos din ng bachelor’s degree in Biology mula sa UP Diliman.
Si Herbosa ay dating Undersecretary ng Department of Health mula 2010 hanggang 2015.
Mula October 2017 hanggang April 2021, si Herbosa ay nagsilbing Executive Vice President ng University of the Philippines System.
Nagsilbi din ito bilang Special Adviser to the National Task Force Against Covid-19.