Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon ni dating PNP chief at kasalukuyang Senator Ronald Dela Rosa laban sa kasalukuyang administrasyon na umano’y tinatangkang idawit ang Senador kasama sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bong Go at dating Criminal Investigation Detection Group chief Lt. Gen. Gerald Caramat na nasa likod ng ilegal na POGOs sa bansa.
Ginawa ng Pangulo ang paglilinaw kasunod ng akusasyon ni Sen. Dela Rosa laban kay Mary Ann Maslog na isang scam suspect na inutusan umano ng Palasyo MalacaƱang para papirmahin si Alice Guo ng isang affidavit para tukuyin siya at sina ex-PRRD na nasa likod ng POGO sa naging pagdinig ng Senado noong Martes, Oktubre 8.
Subalit sa isang panayam sa Pangulo sa sideline sa kaniyang pagdalo sa ASEAN Summit sa Laos, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi niya kilala si Mary Ann Maslog.
Matatandaan, naugnay si Maslog sa 1998 textbook scam na kalaunan ay nabulgar na pineke ang kaniyang pagkamatay para maiwasang makasuhan at ngayon ay gumagamit ng pangalang Jessica Francisco. Subalit nabuking na buhay pa ito matapos maaresto ng NBI noong Setyembre 25 nang madiskubreng si Maslog at Francisco ay iisang tao lang sa pamamagitan ng isinagawang fingerprint matching.
Samantala, ayon naman sa mga Senador kanilang titignan ang posibleng pananagutan ng Philippine National Police Intelligence Group dahil sa pagpayag kay Maslog na makialam sa pagsuko ni Alice Guo at pagpayag na makapasok ito sa PNP Custodial Center ng dalawang beses para makausap ang nakakulong na si Guo.
Nang matanong naman ang reaksiyon ng Pangulo kaugnay sa rebelasyon ng isang Chinese spy na kasalukuyang nakakulong sa Thailand na si She Zhijiang kaugnay kay Alice Guo na ispiya din umano ng China, sinabi ni PBBM na isa itong natural na proseso na makakatulong sa imbestigasyon kung mas marami pang indibidwal na lumalantad at handang tumestigo para tulungan tayo sa imbestigasyon para malaman ang katotohanan. Isa rin aniya ito sa mga evolution o pag-usad sa ginagawang mga pagdinig sa House of Representatives.
Samantala, kumambiyo naman ang Pangulo na magkomento kaugnay sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para matugunan ang isyu ng espionage o pag-iispiya sa bansa.