Nakatakdang komprontahin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa naging banta nito na posibleng madamay ang mga Filipino OFWs na kasalukuyang nagtatrabaho at naninirahan sa Taiwan.
Ang pahayag ng Chinese envoy ay bunsod sa pagtatayo ng dagdag na EDCA sites sa bansa kung saan inalmahan ito ng China dahil posibleng magdulot ito ng tension.
Sa panayam kay Pangulong Marcos dito sa Bulacan kaniyang sinabi na posibleng nawala lang ito sa translation dahil hindi naman english ang mother language ng Chinese envoy.
Sinabi ng Pangulo na interesado siya malaman mismo kay Amb. Huang Xilian kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang pahayag.
” I’ll be talking to the Ambassador soon. And I’m sure he will be.. I’m sure he’ll be very anxious to give his own interpretation of what he was trying to say,” pahayag ni Pang. Marcos Jr.
Aminado ang Pangulo na siya ay nasurpresa sa pahayag ni Huang Xilian.
Batay kasi sa naging pahayag ng Chinese Ambassador na posibleng maapektuhan ang mga Filipino sa Taiwan dahil sa tension nito at China.
Una ng pinayuhan ng Chinese diplomat ang Pilipinas na huwag suportahan ang “Taiwan Independence” kung talagang iniisip ng gobyerno ang nasa 150,000 Filipinos na nagtatrabaho sa nasabing lugar.
Maging si National Security Adviser Secretary Eduardo Ano ay hindi nagustuhan ang naging pahayag ng Chinese envoy na tila pinag-babantaan nito ang Pilipinas.