Kinalampag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ipawalang-bisa ang batas na nagpapatigil sa paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo sa Kindergarten hanggang Ikatlong baitang.
Ito ay ang Republic Act 12027 na nag-lapse into law noong Oktubre 10 matapos na hindi lagdaan ni Pang. Marcos, 30 araw mula ng matanggap ng kaniyang opisina.
Kaugnay nito, binatikos ng grupo ang kawalang-kilos ni Pang. Marcos na humantong sa pagkakapasa ng bagong batas.
Ipinunto pa ng grupo na ang pagkabigong bawiin ang pagpasa ng bagong batas ay mangangahulugan ng panibagong pag-urong sa pagsisikap na tugunan ang krisis sa edukasyon.
Iginiit din ni ACT chairman Vladimer Quetua na itinaguyod ng mga eksperto at ng Department of Education (DepEd) noon na maging prayoridad na wika ng pagtuturo ang mother tongue.
Kayat ang hakbang na ito umano ay nakakagulo sa logical transitory framework kung saan ang mother tongue ang first language, ang Filipino ang second language at ang English naman ang third language sa pagtuturo. Ang tunay na agenda din umano sa likod nito ay hindi para sa mga mag-aaral na magkaroon ng mastery sa mga mahahalagang aral na kailangan nilang matutunan, ngunit upang gawin itong marketable para sa mga dayuhang employer.