-- Advertisements --

Positibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakamit pa rin ang mga target na programa sa susunod na taon kahit mas mababa mula sa panukala ang inaprubahang 2025 national budget.

Sa line veto message ng Presidente sinabi nito na inaasahang magdudulot ng “multiplier effect” sa ekonomiya  ng bansa ang inaprubahang budget.

Maging si Finance Secretary Ralph Recto ay nagsabi din na magiging matatag ang takbo ng ekonomiya sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Recto na first time sa history ng bansa na kapwa ang education sector at ang capital outlay sector ng  DPWH, DOTr (Department of Transportation) na nagkaroon ng trillion pesos na budget kaya malaki ang ambag nito sa paglago ng ekonomiya sa 2025.

Inaasahan din ng Pangulo ang pagbuti ng proseso sa pagnenegosyo at paglikha ng mas maraming  bagong trabaho.

Susuportahan ng budget ang modernisasyon ng agrikultura at agribusiness, pagtataguyod ng kalakalan at investments, pagpapasigla ng mga serbisyo, at mas advance na research and development.

Mananatili naman aniya sa 5 hanggang 6% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang paggastos sa imprastraktura para mapanatili rin ang mataas na trajectory ng pag-unlad.

Tiniyak naman ng Pangulo ang masinop na pamamahala sa mga utang para umangat pa ang rating ng bansa sa iba’t ibang global credit rating agencies at maka-utang pa sa mas mababang interes para masuportahan ang malalaking proyekto ng gobyerno.

Hinikayat ng Pangulo ang sambayan na suportahan at makiisa sa pamahalaan para lumago ang ating bansa.