Kumpiyansa pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maibaba sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas.
Ito ay sa oras na maging stable at normal na ang sektor ng agrikultura at presyo ng produksiyon.
Sa isang statement na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na may mga nangyayari umano sa labas ng Pilipinas na direktang nakaaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa na nag-uudyok sa pamahalaan at sa merkado na mag-adjust.
Sa kabila nito, iginiit ni PBBM na malaki ang pag-asa na maibababa ang presyo ng bigas sa oras na maibalik na sa normal ang sitwasyon.
Binigyang diin ng Pangulo na may chance lagi kung maayos na ang produksiyon at hindi na bagyuhin pa ang bansa at magamit ng mga magsasaka ang mga ibinibigay na tulong para sa kanila.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos sa publiko na ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng remedyo para matiyak na ang presyo ng bigas sa merkado ay abot-kaya sa mamamayang Pilipino lalo na para sa mga mahihirap.