Inihayag ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaaring sibakin o hilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Solicitor General Menardo Guevarra na magbitiw sa pwesto matapos na tumanggi itong katawanin ang mga opisyal ng gobyerno sa Korte Suprema laban sa habeas corpus petitions kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte
Ayon kay Carpio, taliwas ang manifestation of recusal ng SolGen sa mismong posisyon ng pamahalaan na dumaan sa legal na proseso ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod sa Republic Act 9851 kung saan may opsiyon ang gobyerno na isuko ang dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Aniya, nagpapakita ang desisyon ng SolGen na walang teamwork sa gabinete ng Marcos administration.
Saad pa ng dating mahistrado na ang desisyon ni Guevarra ay nangangahulugan na kailangan ng mga respondent na kinabibilangan ng mga ahensiya ng gobyerno na humanap ng ibang abogado para idepensa sila sa Korte Suprema.
Maaari din aniyang gamitin ang recusal ng SolGen ng kampo ng dating Pangulo laban sa administrasyon.
Inihayag din ni Carpio na nagsisilbi ang SolGen sa “pleasure of the President” at maaaring masibak anumang oras.
Matatandaan na nauna ng naghain ng kaniyang manifestation and motion si SolGen Guevarra sa SC nitong Lunes, Marso 17 kung saan tumanggi siyang idepensa ang mga opisyal ng gobyerno dahil posibleng hindi umano nito epektibong mairepresenta ang mga ito dahil taliwas ito sa posisyon ng OSG na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.
Kung maaalala, dating nagsilbi si Guevarra bilang deputy executive secretary at kalihim ng Department of Justice sa ilalim noon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago siya itinalaga bilang Solicitor General sa ilalim ng Marcos administration.