-- Advertisements --
image 389

Ibinunyag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na maraming pressure kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa mayayamang developers sa gitna ng kanyang desisyon na suspendihin ang lahat ng mga proyekto sa reclamation ng Manila Bay.

Sinabi pa ng dating Senate President na nakiusap at halos lumuhod pa nga ang isa sa mga developer sa Pangulo para payagang ipagpatuloy ang nasuspindeng proyekto dahil sa malaking utang sa bangko.

Aniya, pinayagan ni PBBM ang natapos nang i-reclaim ng developer ngunit sinuspinde ang mga hindi pa nasisimulan.

Gayunpaman, hindi na pinangalanan pa ni Enrile ang nasabing developer.

Idinetalye din ng Chief Presidential Legal Counsel kung bakit kailangang suspendihin ang mga reclamation project sa Manila Bay lalo na sa gitna ng batikos dahil sa pagbaha sa ilang lalawigan sa Luzon.

Aniya, sa katunayan hindi maiiwasag mabaha maging ang Malacañang sakaling ipagpatuloy ang reclamation project dahil ang tubig mula sa Manila Bay ay mapupunta sa mga ilog, kabilang ang Pasig River at sa sariling backyard ng presidential residence.

Matatandaan na una nang sinuspinde ni PBBM ang lahat ng reclamation projects sa Manila Bay na base sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay inaprubahan noong nakaraang Duterte administration.