Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa tatlong malalaking kumpanya sa sideline event ng ASEAN Summit at Related Summits sa Vientiane, Lao PDR sa susunod na linggo.
Ayon ay Department of Foreign Affairs – Office of ASEAN Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, nakatakdang makipagkita ang Pangulong Marcos sa Tiktok regional director ng Southeast Asia, magkakaroon din siya ng business meeting sa Sierra Public Company at Capital A.
Sinabi ni Espiritu ang detalye ng mga nasabing pulong ay kaniya ng ipinauubaya sa Department of Trade and Industry dahil ang nasabing ahensiya ang nangunguna sa nasabing pulong.
Kumpiyansa ang opisyal na magkakaroon ng magandang resulta ang mga nasabing pulong ng punong ehekutibo para lalo pang lumago ang pamumuhunan sa bansa.
Ipinunto ni Asec Espiritu mahalaga ang gaganaping ASEAN Business and Investment Summit na inorganisa ng ASEAN Business Advisory Council na binubuo ng Chambers of Commerce para makahikayat ng mga investment.
Target kasi ng Marcos administration na maging sentro ng kalakalan sa asya ang Pilipinas.
Sinabi ni Espiritu ang nasabing event ay isang mahusay na pagkakataon upang itaguyod ang kooperasyon sa ASEAN at para makakuha ng mga merkado para sa kalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas.
At ang partisipasyon ng Chambers of Commerce sa ASEAN at ng representatives ng mga business partners ay patunay ng kanilang commitment na mapalago ang ekonomiya sa rehiyon lalo na sa Pilipinas.