Naniniwala si House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega na isang malaking “fake news” umano ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magdedeklara ng martial law si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang pagtiyak na mapatatalsik si Vice President Sara Duterte ng sa gayon manatili ito sa pwesto at kapangyarihan.
Tinawag na Mr Fake news ni Ortega ang dating Pangulo.
Sa panig ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong minaliit nito ang pahayag ni Duterte at sinabing may karapatan ang dating pangulo sa kanyang sariling opinyon ngunit ang kaso laban sa Bise Presidente ay may matibay at legal na basehan.
Ipinunto ni Adiong na ang mga kaso laban kay Duterte ay nakabatay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga pagbabanta sa matataas na opisyal, at hindi sa isyu ng pulitika.
Hinikayat ni Adiong ang publiko na bigyang-pansin ang mahahalagang usapin at huwag magpalinlang sa mga taktikang pampulitika na naglalayong ilihis ang pokus sa kaso.
Muling iginiit ni Adiong na hindi dapat haluan ng electoral politics ang usapin ng constitutional accountability.