-- Advertisements --

Pinabulaanan ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagiging diktador na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kasabay nito ay binansagang pabrika ng fake news ni Ortega si Duterte na ang layunin ay siraan ang administrasyong Marcos gamit ang mga pekeng impormasyon.

Tinuligsa rin ni Ortega ang matandang Duterte at kaniyang mga kaalyado dahil sa umano’y patuloy nilang pagpapakalat ng maling impormasyon.

Mariin namang itinanggi ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur ang paratang ni dating pangulong Duterte na si Pangulong Marcos ay nagiging diktador, iginiit niyang ang Pangulo mismo ang nakakatanggap ng mga banta at pang-iinsulto ngunit hindi gumaganti.

Binigyang-diin din ni Adiong na iginagalang ni Marcos ang separation of powers sa gobyerno at hindi ito nanghihimasok sa mandato ng iba’t ibang ahensya.

Ikinumpara rin ni Adiong ang administrasyon ni Marcos sa mga nauna, binigyang-diin na walang natanggal na mahistrado o nakulong na senador ng oposisyon dahil sa motibong pulitikal sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Sa panig naman ni House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio ng Maynila, malayong maging isang diktador si Marcos at at hinimok ang publiko na maging mapanuri sa ganitong mga akusasyon.

Nanawagan din siya sa mga Pilipino na itigil ang paninira sa isa’t isa para lamang sa pansariling interes sa pulitika.