Mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ay matapos na walang habas na pagbabarilin ng hindi kilalang grupo ng mga kalalakihang nakasuot rin ng pixelized uniform ng Philippine National Police ang loob ng bahay ni Degamo.
Kung saan nasawi sa naturang insidente ang nasabing gobernador at lima pang mga indibidwal.
Sa isang pahayag ay binigyang-diin ng pangulo na hindi titigil ang kaniyang administrasyon hangga’t hindi nito napapanagot ang mga salarin sa karumaldumal na krimen na ito.
Aniya, sa pamamagitan ng mga impormasyong nakalap na ngayon ng mga otoridad ay mayroon na silang malinaw na direksyon kung papaano nila ipagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon upang papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng pagpatay na ito kasabay ng paghahatid din ng hustisya para sa mga biktima at naulilang pamilya ng mga ito.
Kaugnay nito ay nagbigay naman ng babala si Pangulong Marcos Jr. sa lahat ng mga dawit sa nasabing krimen na agad nang sumuko sa mga otoridad dahil maaari aniya silang tumakbo ngunit hindi ang magtago dahil hindi aniya titigil ang kaniyang administrasyon sa pagtugis sa mga ito.