Muling binawi o pinapawalang bisa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang gentleman’s agreement na pinasok ng kaniyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine sea.
Muling iginiit ito ng Pangulo sa question and answer session sa 50th anniversary ng Foreign Correspondents Association of the Philippines.
Saad pa ng Pangulo na hindi nakatali ang kaniyang administrasyon sa ganoong kasunduan dahil walang dokumento na inisyu para gawin itong legal at binding.
Sinabi din ng punong ehekutibo na nagiging maingat ito sa pagbibigay ng public pronouncements sa isyu dahil sa diumano’y kawalan ng kalinawan sa naturang kasunduan.
Tumanggi naman ang Pangulo na mag-speculate sa posibleng pananagutan ni dating Pangulong Duterte sakaling pumasok nga ito sa sekretong kasunduan sa China.
Bagamat nakausap umano ng Pangulo ang dating mga opisyal ng nagdaang adminsitrasyon na posibleng sangkot sa pag-uusap kaugnay sa naturang kasunduan ay wala umanong nakuhang diretsong sagot ang pangulo dahil may nagsasabi aniyang walang kasunduan habang ang isa naman ay sinasabing mayroong status quo lamang at mayroon din nagsabi na mayroon daw kasunduan.
Ang paggiit na ito ng Pangulong Marcos ay sa gitna ng patuloy ding paggiit ng China sa umano’y kasunduan nito sa PH subalit hindi naman mailabas o malinaw ang mga detalye nito ng dalawang panig.
Kaya naman nag-udyok ito sa kaniya na maniwalang mayroon ngang secret agreement at sa palagay ng pangulo ay hindi lamang ito gawa-gawa ng Beijing.