Naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive order (EO) para sa pagtataguyod at pag-iingat ng mga makasaysayan at kultural na pamana ng Pilipinas sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala sa Malacañang Heritage Mansions at paglikha ng mga advisory at management bodies.
Ayon kay Presidential Communications Office, batay sa EO No. 26 ay ipinag-utos ni Pangulong Marcos nang pagbuo ng isang advisory board na bubuuin ng tatlong kinatawan mula sa Office of the President (OP), na magsisilbi sa ex officio capacity, at tatlong kinatawan mula sa pribadong sektor na itatalaga ng chief executive.
Inatasan ng Pangulo ang advisory board na bumalangkas ng mga patakaran, proyekto at programa para sa mahusay na pamamahala ng Malacañang Heritage Mansions na napapailalim sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Nakapaloob din sa naturang kautusan ang pagtatatag ng Malacañang Heritage Mansions Management Center na magbibigay naman ng technical at administrative support sa binuong Advisory Board.
Ito ay pamumunuan naman ng isang Executive Director na titiyak sa day-to-day operations at maintenance sa mga subject properties.
Pangangasiwaan din nito ang mga operational activities kabilang na ang performance ng lahat ng empleyado at tauhan nito, kasama ang SoSec na nagsasagawa ng administrative supervision dito.
Kasabay ng pakikipag-ugnayan ng Office of the Deputy Executive Secretary for Finance and Administration na tutukoy sa mga naaangkop na pattern ng staffing at qualification standards para sa lahat ng posisyong kailangan para sa pangangasiwa ng Malacañang Heritage Mansions.