Nagpaabot ng taus-pusong pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong Prime Minister ng United Kingdom na si Keir Starmer at sa Labour party na nanalo sa katatapos na 2024 general election.
Sa kaniyang social media account na X, sinabi din ng Pangulo na hinahangad nito ang tagumpay ng bagong gobyerno ng UK at umaasa sa lalo pang pagpapalakas ng malalim at matagal ng relasyon ng Pilipinas at UK.
Nabuo ang diplomatic ties sa pagitan ng Pilipinas at UK noong July 4, 1946 base sa statement na inilabas ng Presidential Communications Office ngayong araw.
Pormal na isinulong ng UK at PH ang pagpapalakas pa ng defense, maritime at trade ties sa ilalim ng enhanced partnership agreement noong Agosto 2023 sa gitna ng mga umuusbong na mga geopolitical at economic challenges na kinakaharap sa rehiyon.
Suportado din ng UK ang posisyon ng PH sa isyu sa West Philippine Sea na isa din sa komondena sa mapanganib at escalatory tactics ng Chinese vessels laban sa PH.