-- Advertisements --

Binalasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng National Security Council (NSC).

Sa pagbabago na ginawa ni PBBM sa reorganisasyon ng NSC ay ang pagtanggal nito sa bise-presidente o kay VP Sara Duterte at mga dating pangulo bilang kasapi ng konseho.

Batay sa Executive Order (EO) No.81, ang NSC ay pamumunuan ng presidente bilang chairperson habang magiging miyembro rin ang senate president, house speaker at iba pang mga opisyal ng gobyerno.

Maaari ring magtalaga ang Pangulo ng iba pang mga opisyal ng gobyerno bilang kasapi ng NSC at maging mga private citizens.

Kasama naman sa Executive Committee ng NSC ang Pangulo bilang chairperson, habang miyembro rin ang executive secretary, senate president o kinatawan nito, house speaker o kinatawan nito at iba pang mga gov’t officials.

Kasabay nito, inatasan naman ang Director-General ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga hepe ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na dumalo sa mga pagpupulong ng council at umasiste sa mga deliberasyon.

Maaari ring imbitahan ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para makilahok dito at magtalaga ang pangulo ng iba pang opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal sa NSC.

Ni-reorganize rin ang NSC executive committee at hindi na kasama dito ang pangalawang pangulo.