Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-integrate ang kanilang flood control management programs sa iba pang sektor ng gobyerno para sa isang epektibong water management at conservation.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, nais ng Pangulong Marcos na ma integrate ang mga major projects at mga flood control projects ng ahensiya.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Bonoan may mga ipinatupad na silang mga flood control projects subalit kailangan lamang itong paigtingin para sa iba pang structures na kakailanganin sa irrigation, water supply at power generation dahil ang multi-year budget ng departamento ay patuloy na lumalaki.
Sinabi ni Bonoan para sa 2024 ang kabuuang budget ng DPWH for both foreign-assisted at locally funded flood control projects ay nasa mahigit P300 billion.
Sa isinagawang sectoral meeting ngayong araw, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng integrated water resource masterplan at managing water resources sa kabila ng El Niño at mitigating flood sa panahon ng La Niña.
Inatasan din ng Pangulo ang mga relevant agencies na mag explore ng foreign funding para sa tinukoy na priority investment areas para sa local and international stakeholders.
Nais din ng Pangulo na ipagpatuloy ang development para sa National Irrigation Administration (NIA) dams para sa multipurpose use kabilang ang agricultural irrigation, fresh water supply, power supply at flood control.