Pursigido si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na baguhin ang aniya’y not investor-friendly na mga regulasyong ipinatutupad sa bansa partikular sa hanay ng mga foreign investors.
Sinabi ng Pangulong Marcos na kailangan itong resolbahin at ini-isa isa na aniya nilang ilista ang mga panuntunang dapat na tanggalin upang hindi magsilbing sagabal sa pagpasok pa ng mga puhunan sa bansa.
Nararapat lamang daw itong madaliin at hindi uubrang pagtagalin pa ang gagawing pagbusisi sa mga rules and regulation na maaaring makapigil sa mga dayuhang negosyante para ilagak ang kanilang investment sa Pilipinas.
Hanggat nasa isipan pa aniya ng mga negosyante ang Pilipinas para dito ibuhos ang kanilang puhunan ay kailangang samantalahin ito ng pamahalaan at gawin ang kailangang pagbabago para maging investor – friendly ang bansa sa mga mamumuhunan.
Binigyang diin ng Chief Executive na hindi dapat masayang ang pagkakataon at oportunidad na nakuha ng bansa sa kanyang mga opisyal na pagbiyahe nan kung saan ay maraming kasunduan, commitment at letters of intent ang nalagdaan.