Nakahanda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na makipag pulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa “gentleman’s agreement” nito China.
Pero may kundisyon ang Pang. Marcos bago mangyari ang pag-uusap.
Nais ng Punong Ehekutibo na ipadala muna sa kaniya ang mga nasabing dokumento kaugnay sa “secret deal” bago sila mag usap.
Ayon kay Pang. Marcos nais niya makita ang dokumento ng sa gayon kaniyang mai-rebyu at mapag-aralan kung ano ang nakapaloob sa “gentleman’s agreement.”
Sinabi ng Presidente, direktang ipadala sa kaniya ang nasabing dokumento at huwag ng idaan sa Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA) o sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.
“Pag-aaralan ko, mag-uusap kami kung gusto n’ya,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Naniniwala kasi si Pangulong Marcos na nagkaroon ng “secret agreement” ang dating administrasyong Duterte sa China hinggil sa isyu sa West Philippine Sea.
Samantala, sa kabila ng mga personal na pag-atake, hindi pa rin itinuturing ni Pangulong Marcos bilang kaaway sa pulitika si dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“I don’t consider him a political enemy. It takes two to tango. I don’t consider him a political enemy,” pahayag ni President Marcos sa isang panayam sa mga media sa Washington DC.
Tinanong kasi ang Pangulo kung magiging magka-away na sila sa pulitika ng dating pangulo matapos suspindihin si Davao del Norte Governor Edwin Jubahib.