-- Advertisements --
image 403

Nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Gulf Cooperation Council (GCC) sa panawagan para sa ceasefire, pagbibigay ng humanitarian aid at pagpapalaya sa mga bihag gayundin ang pagpapalakas ng diplomatic efforts sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine.

Ito ay kasunod na rin ng palitan ng mga pananaw at pagpapahayag ng matinding pagkabahala sa developments sa Middle East sa idinaos na kauna-unahang ASEAN-GCC Summit.

Nagpahayag din si Pangulong Marcos ng labis na pagkabahala sa pagsidhi pa ng karahasan sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas na nag-iwan na ng libu-libong patay kabilang na ang 4 na Pilipino.

Umaasa naman ang Pangulo na lahat ng partido ay gagawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mapahupa at mawaksan na ang nangyayaring giyera.

Samantala, umapela din ang mga lider sa idinaos na summit para sa mapayapang resolusyon para sa pagkakaroon ng 2-state solution base sa pre-1967 borders na salig sa international law at kahalintulad pang UN Security Council resolutions.

Umaapela din ang mga ito sa lahat ng partido sa sangkot sa nagpapatuloy na giyera na protektahan ang mga sibilyan, iwasan ang pagtarget sa mga ito at tumalima sa international humanitarian law partikular na sa Geneva Convention at para sa agarang pagpapalaya ng mga sibilyang bihag nang walang mga kondisyon lalo na ang mga kababaihan, mga bata, may sakit at matatanda.

Nagpahayag din ng suporta ang ASEAN at GCC para sa inisyatibo ng Saudi Arabia, EU at League of Arab States na buhayin ang Middle East peace process sa pakikipagtulungn sa Egypt at Jordan at resolbahin ang hidwaan sa pagitan ng Israel at mga karatig nito nang alinsunod sa international law at UN resolutions.