Nakukulangan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasalukuyang ranking ng mga pamantasan at kolehiyo sa Pilipinas sa 2024 Asian University Rankings.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ginanap na National Higher Education Day Summit ng Commission on Higher Education (CHED) na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Ayon sa Pangulo, marami pang kailangang gawin upang makapasok ang mga unibersidad sa bansa sa top 100 rankings sa Asya.
Ipinunto ng presidente na ang mga kilalang top schools sa bansa ay patuloy na bumababa o hindi umaangat sa kanilang standing na nagpapakita ng pangangailangan ng mas maraming pagsisikap.
Dahil dito, kinakailangan aniya ng isang komprehensibong istratehiya upang mapabuti ang ranking ng mga unibersidad dahil ang edukasyon ang maghuhubog sa kinabukasan ng bansa.
Binigyang-diin pa ni Pangulong Marcos na mahalagang armasan ang kabataan ng tamang kasanayan upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng panahon at maiwasang mapag-iwanan.