Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos na mahalaga na magtulungan at magkaisa para sa ika-uunlad ng agriculture sector ng bansa upang makamit ang pangarap na wala nang Pilipinong nagugutom sa pinapanday ng gobyerno na isang Bagong Pilipinas.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na nakahanda ang pamahalaan na tulungan ang mga magsasaka kaya hinimok ang mga ito na huwag mahiya na lumapit sa Department of Agriculture at sa National Irrigation Administration kung kailangan ng mga ito ng mga training, makinarya, pasilidad o tulong pinansiyal para sa kanilang puhunan.
Nananawagan din ang Pangulo sa mga magsasaka sa Isabela at sa buong region 2 at sa buong bansa na makiisa sa adhikain ng pamahalaan na palaganapin pa at maging mas epektibo at moderno at madaling paraan ng pagsasaka.
Ginawa ng Pangulo ang kaniyang panawagan sa isinagawang pamamahagi ng mga solar-powered pump irrigation projects sa Isabela.
Ayon sa Punong Ehekutibo ang nasabing proyekto ay isa sa mga halimbawa na isinusulong sa Bagong Pilipinas, patunay ito ng pagsisikap na palaganapin ang modernong pagsasaka dito sa Pilipinas.
Ang pagtatayo ng solar-powered pump irrigation project sa mga barangay ay magkakaroon ng tuloy-tuloy na daloy ng tubig sa mga irigasyon, maaalagaan ng mabuti ang mga pananim, dadami at dodoble ang mga ani sa produkto.
Ibig sabihin lalaki ang kita ng mga magsasaka, sasagana ang buhay ng mga magsasaka at lalago ang lokal na ekonomiya at ang buong Isabela ang makikinabang dito.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pagpapalawig ng mekanisasyon, paggamit ng makabagong teknolohiya, at pagpapalaganap ng mga modernong pamamaraan sa pagtatanim ay siyang magtutulay tungo sa hangarin na magkaroon ng sapat, sariwa, at masustansiyang pagkain para sa buong bansa.