Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga sundalo na manatiling naka pokus sa kanilang misyon sa kabila ng mga kaguluhan at ingay sa paligid lalo na ang isyu sa pulitika.
Ginawa ni PBBM ang pahayag matapos bumisita sa Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp General Guillermo Nakar sa lalawigan ng Quezon ngayong araw.
Ipinaalala ng Pangulo na ang trabaho ng mga sundalo ay panatilihin ang kapayapaan at protektahan ang sambayanan.
Habang ang misyon ng Pangulo ay pagandahin ang Pilipinas at hindi para makipag-away sa walang kwentang bagay.
Binigyang-diin ng Presidente na iisa ang misyon ng lahat at ito ay ang ipagtanggol ang sambayanan at ang Republika ng Pilipinas.
Siniguro naman ni PBBM sa mga sundalo ang buong suporta ng administrasyon sa AFP, PNP, at lahat ng tagapaglingkod sa ilalim ng SOLCOM.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang mga sundalo sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan kung saan hinimok din silang ipagpatuloy ang kanilang mahusay na trabaho para sa mas ligtas at progresibong Pilipinas.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang pangangailangan ng pagkakaisa.
Ito’y upang tiyakin ang kapayapaan, seguridad, at kaligtasan ng mga mamamayan at teritoryo ng Pilipinas.
Pinuri din ng Pangulo ang natatanging kontribusyon ng mga sundalo, lalo na ang kanilang mabilis at epektibong pagtugon sa anim na magkakasunod na bagyong dumaan sa bansa sa loob lamang ng dalawampu’t tatlong araw.
Ipinunto pa ni Pangulong Marcos na dahil sa mahusay na trabaho ng mga awtoridad, kinikilala ngayon ang Pilipinas bilang eksperto sa disaster response.
Aniya, pagpapakita rin ito na sa kabila ng limitadong resources, kayang magtagumpay ng bansa laban sa hamon ng kalikasan.