Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga world leaders na suportahan ang inihihirit ng Pilipinas na ” Loss and Damaged Fund” para sa mga bansang pinaka apektado ng Climate Change kabilang ang Pilipinas.
Sa talumpati ng Pangulo na binasa ni Speacial Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr sa Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Climate Change (COP-28) na ginanap sa Dubai, United Arab Emirates, isinusulong ng Pangulo ang agarang pagtakbo ng pondo upang matulungan ang mga developing at vulnerable countries mula sa epekto ng tagtuyot, mga pagbaha at iba pang mga natural na kalamidad.
Hinimok naman ng Pangulo ang mga partners mula sa private sector, civil society, mga bansa at funding institutions na suportahan para sa pagsasakatuparan sa nasabing loss and damage fund.
Ang nasabing pondo ay hiniling sa mga mayayamang bansa at sa mga nangungunang contributor ng Greenhouse Gas Emission na itinuturing na sanhi ng climate change.
Dagdag pa ng Pangulo na ang pamahalaan ay naglaan ng PhP453.11 bilyon para sa climate change adaptation at mitigation para sa 2023 habang PhP889.65 milyon naman ang ipinagkaloob sa mga local government units para sa climate change adaptation programs at mga proyekto sa ilalim ng “People’s Survival Fund.”
Bukod sa pagtiyak ng sapat na pondo para sa pagsugpo sa pagbabago ng klima, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas, na nananatiling pangatlo sa pinakamalaking geothermal power producer sa tabi ng US at Indonesia, ay patungo sa low-carbon development.
“We are on track towards achieving a 35-percent renewable energy share in the power generation mix by 2023 through policy reforms that allow more investors for offshore wind and floating solar. We need to protect our forests, our oceans, and our biodiversity,” pahayag ni Pang. Marcos.