Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang publiko at maging ang mga local government units na magtipid ng tubig at kuryente habang naghahanda ang Pilipinas para sa El Niño na mararanasan ngayong taon.
Ayon sa chief executive, ang pangangailangan ng kuryente ng Pilipinas ay malayong lumampas sa supply sa bansa, at ang 35 porsiyentong pagbaba ng ulan ay nakaapekto na sa ilang dam, irrigation system at hydroelectric power plants.
Inatasan naman ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na iparating sa mga LGU ang kanilang kampanya na magtipid ng tubig at kuryente para mabawasan ang epekto ng El Niño.
Partikular ang pagtitipid ng tubig sa bahay, sa mga car wash, sa mga pagdidilig ng golf course at pagrerefill ng mga swimming pool.
Sabi pa ng Pangulong Marcos Jr., na lahat tayo ay may maitutulong at may magagawa sa pag mitigate sa epekto ng El Nino.
Suportado naman ng gobyerno ang mga proyektong makakatulong sa pagbuo o pag-imbak ng power or energy para sa bansa.
“Ang energy production ay pinapa-igting sa pagbubukas ng mas maraming renewable energy sources. Kailan lang ay inextend natin ang Malampaya service,” pahayag ng Pang. Marcos Jr.
Suportado din ng gobyerno ang mga bagong teknolohiya tulad ng battery storage para maging sustainable at reliable pa ang ating renewable sources of energy sa bansa.
Ayon sa Pangulo, bukod sa pagsubaybay at pagpapagaan sa epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, enerhiya at kalusugan, sinimulan na rin ng gobyerno ang paghahanda para sa posibleng La Niña pagkatapos ng tagtuyot.
“Sa kabila ng matinding tagtuyot ay naghahanda din tayo para naman sa La Niña o matinding tag-ulan na may dala-dala ring ibang problema. Ito ay nangangailangan ng partisipasyon ng bawat isang kababayan nating Pilipino,” wika ng Pang. Marcos.