Ganap nang mga batas ang Amendments to the Agricultural Tariffication Act (Republic Act No. 12078) at ang Value-Added Tax (VAT) Refund for Non-Resident Tourists Act (RA No. 12079) matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ceremonial signing na ginanap sa Malakanyang, sinabi ni PBBM na ang RA 12078 ay isang mahalagang tugon sa kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.
Inaamyendahan ng batas na ito ang Agricultural Tariffication Act upang palawigin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng anim na taon na may pinalobong budget na P30 bilyon.
Layunin nitong palakasin ang industriya ng bigas sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga regulasyon, kapangyarihan sa pagpapatatag ng presyo para sa Department of Agriculture (DA) at suporta para sa mga inisyatibo tulad ng pagpapaunlad ng binhi, makabagong makinarya sa pagsasaka, mababang interes sa pautang, pagsasanay ng mga magsasaka, pasilidad sa paggawa ng compost o pataba, pamamahala sa peste, mga sistema ng solar irrigation, at pagpapabuti ng kalusugan ng lupa.
Samantala, ang RA No. 12079 o Value-Added Tax (VAT) Refund for Non-Resident Tourists ay naglalayong pataasin ang atraksyon ng Pilipinas bilang isang pangunahing tourist destination sa pamamagitan ng pagbibigay ng VAT refund sa mga turista na gumastos o bumili ng P3,000 na halaga ng produkto mula sa mga accredited stores, basta’t ang mga item ay ilalabas ng bansa sa loob ng 60 araw.
Ang VAT refund scheme na ito ay inaasahang magpapataas ng tourism spending ng 29.8% na inaasahang magdudulot ng malaking benepisyo sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Ang inisyatibong ito ay naka-angkla sa National Tourism Development Plan (NTDP) 2023–2028 ng Department of Tourism (DOT) na naglalaman ng mga pagpapahusay sa imprastraktura at mga digital innovation upang pagandahin ang karanasan ng mga bisita.
Sa ilalim ng batas, inaatasan din ang Department of Finance (DOF), sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensya, na magbalangkas ng mga patakaran para sa implementasyon nito sa loob ng 90 araw.