Ganap ng batas ang Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act matapos ito lagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Layon ng bagong batas na palakasin ang agricultural sector sa bansa, sa pamamagitan ng pagpigil sa mga illegal activities na humahadlang sa suplay ng pagkain at nagsasanhi sa pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Pangulong Marcos ang nasabing batas ay isang proactive na hakbang upang maiwasan ang pagpasok ng mga smuggled agricultural products, na sinisiguro ang tamang tungkulin at pagpapabayad ng tamang buwis.
Sa ilalim ng panukalang batas, papatawan ng mas mabigat na parusa ang mga hinihinalang sangkot sa pananabotahe sa ekonomiya gaya ng mga smugglers at hoarders.
Huhubog din ito para sa isang mas malakas, mas nababanat na sektor ng agrikultura na nagtatanggol sa mga magsasaka at sa mga mamimili.
Tinatayang dalawang daang bilyong piso ang nawawalang kita ng gobyerno dahil sa economic sabotage, partikular na sa smuggling.
Hinihinalang ang pananabotahe rin sa ekonomiya ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga bilihin at nagkakaroon ng shortage sa mga agricultural products.
Dahil dito, inaasahan ding magkakaroon na ng sapat at abot-kayang pagkain ang bawat Pilipino na siyang hangad ni Pangulong Marcos para sa bansa.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez, Senate President Francis Escudero, Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at iba pang mga opisyal ng gobyerno.