-- Advertisements --

Ganap nang naging batas ang pitong bills matapos lagdaan ito ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong i-upgrade o palakasin ang ilang higher education institutions sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11968, binigyan ni Pangulong Marcos ng pahintulot ang pag-convert sa San Isidro Satellite campus ng Leyte Normal University o LNU sa Leyte bilang isang regular campus na tatawaging “LNU-San Isidro Campus.”

Nilagdaan din ni PBBM ang RA No. 11969 na nagco-convert sa Bataan Peninsula State University o BPSU-Bagac Extension Campus sa Bataan bilang sa isang regular campus at tatawagin na itong “BPSU-Bagac Campus.”

Ang iba pang mga batas na pinirmahan ng Pangulo ay ang pagtatatag ng mga Colleges of Medicine tulad ng Benguet State University-College of Medicine sa La Trinidad, Benguet, at Southern Luzon State University-College of Medicine sa Lucban, Quezon.

Maging ang RA No. 11972 ay nilagdaan din ni Pangulong Marcos para sa pagtatatag ng University of Eastern Philippines-College of Medicine sa Catarman, Northern Samar at maging ang RA No. 11974 para sa paglikha ng Visayas State University-College of Medicine sa Baybay, Leyte.

Samantala, nilagdaan din ng Presidente ang RA No. 11973 na nagtatatag sa Bicol University-College of Veterinary Medicine sa Ligao City, Albay.

Sa ilalim ng mga bagong batas, maaari nang magtakda ang mga Higher Education Institutions HEIs ng Doctor of Medicine Program, kasama na ang Integrated Liberal Arts and Medicine Program upang bumuo ng isang hanay ng propesyonal na mga doktor at mapalakas ang healthcare system ng bansa.