Mariing pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglatag ng “demand” ang Indonesia para maibigay sa kustodiya ng Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ipinunto ng Pangulo na lumabas lamang ang isyung ito sa isang pahayagan sa Indonesia na hindi naman opisyal ngunit aminado ang chief executive na hindi naging simple ang pagpapauwi kay Guo sa bansa.
Inamin ng punong ehekutibo na kinausap rin aniya nila ang mga kaibigan sa Indonesia habang nakatulong din ang pagpunta niya sa ibang mga bansa kaya naging malapit sila ni President Joko Widodo na dito’y napakiusapan ito na kunin at ibalik sa bansa ang puganteng alkalde.
Matatandaang napaulat na inihirit ng Indonesia na i-swap kay Guo si Gregor Haas na isang Australian na wanted sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking at nasakote sa lalawigan ng Cebu noong Mayo ngayong taon.